I am…

mababaw lang naman ang kaligayahan ko.

KareKare at sisig, kahit walang rice; siomai (fried or steamed)

Star Cinema movies, lalo kung si  John Lloyd Cruz ang bida.

Manuod ng mga anime series at magdamit anime

gumuhit, umawit at sumayaw, magsulat at umarte sa itaas ng entablado.

bibili ako ng mga fashion magazines at mga komiks pag may pera ako

uminom ng kape, brewed na timpla ko or starbucks, mocha frapuccino, tall glass

matulog, mag facebook, magdeviantart, makipag chat..

hindi ko hinangad na maging ubod ng yaman. kung ako yung nanalo ng 700M sa lotto, malamang ng matakot ako kesa magalak ako.

ang gusto ko yung sapat lang, may pagkain 3 times a day, okay kung may merienda pa in between, at midnight snack

gusto kong nakakabili sa mga department store ng damit at sapatos, hindi kailangang BRANDED, sana lang brand new

puro kasi biyaya ng ukayukay ang aparador ko. pamana ng mga taong marahil ay may baktol o hadhad. baka nga ang iba, namayapa na.

gusto ko ring makapanahi ng isang bestida na masusuot ko sa isang party at maipagmamalaki kong gawa ko, gamit ang kalawanging makina ng lola ko galing bulacan, na tila mas matanda pa kesa kanya. frustrated kasi akong fashion designer. kaso pang bakla daw yun, so nauwi ako sa pagiging fashionista. modelo ng mga 2nd hand clothing. hindi na masama hindi ba? Akala pa nga ng iba, mauutangan nila ako. ituturo ako ng mga tao, “dun kay shania, mayaman yun! dun ka umutang”..kaso wala naman kasing maniniwala na wala rin akong pera kasi mukha akong mayaman. sabi ko nga, kahit trashbag lang isuot nyo sa akin, artistahin pa rin ako. pasensya na,

Gusto kong nagpupunta sa mga matataas ng lugar, yung mapuno at bulubundukin. Malapit ang loob ko sa kalikasan. Nasasarapan ako sa lasa ng malamig na hangin. Pakiwari ko’y sa bundok ako mabubuhay dahil hindi ako mahihirapang huminga. Duon, walang polusyon, wala masyadong nagyoyosi. gusto kong inaalagaan ang kapaligiran. Aawayin ko ang kahit sinung mahuli kong nagtatapon ng basura sa kalye. O kaya’y ako na lang ang pupulot nito at itatapon sa tamang kalagyan. Naiingit kasi ako sa linis ng kalsada sa Japan. Gusto ko ng sakura trees o cherry blossoms. gusto kong magtanim ng mga bulaklak. gusto kong humabi ng koronang gawa sa mga halaman at magpanggap na lambana. kunwaring may gintong pakpak at sandals, may damit na gawa sa mga dahon at talulot.

ninais kong maging prinsesa, pati maging madre o santa. ngayon ko lang naisip na, wala pa ring maniniwala sa mga tagong pangarap ko na ito. hindi naman tlaga bagay sa akin.

sa dami ng gusto kong mangyari, ang tanging pinakamadaling gawin, at marahil ay pinakamahirap namang matupad..ay magpahinga. kahit saglit lang.

naaalala ko pa nuon, nagtatrabaho ako habang nag aaral sa FEU. nagtitinda pa ako ng kung anu ano mula sa tindahan namin para kumita ng ekstrang baon. shampoo, sabon, pancit canton, bolpen,biogesic at iba pa..kung alam lang ng bookstore namin nuon, kaya ko siyang pabagsakin. kahit yung mga forger ng pirma at gumagawa ng thesis sa mga bangketa ng recto, walang sinabi sa mga gawa ko. pero kailangan ituon ko pa rin ang isip ko sa pag aaral, yun ang laging idinidikdik ni mami sa utak ko. mag aral! para hindi ka tinatapakan ng mga kamag anak! ako daw ang pinakamatalino sa aming lahat. naniwala naman ako. kayat nag aral ako hanggang magkanda-bukbok ako sa puyat kakagawa ng research paper sa nirentahan kong pc cafe sa nestscape sa may morayta. si ate lynn, pinaghahanda pa ako ng egg sandwich dahil kulang na lang ng 2 oras ay isang buong araw na ako sa cafe nya. kilala na ako ng lahat ng bantay sa mga internet shop, kinakaibigan ko sila para may discount ako balang araw. o kaya free extra 1 hour ng internet. malaki rin ang naging pakinabang ko sa kanila. sikat din ako sa hepa lane ng morayta, puro kasi tig apat ng kwek kwek at isang pineapple juice ang nilalantakan ko. may kasama man o wala, baon ko sa mga internet shop. at bukod tanging ako lang ang pwedeng magpasok ng pagkain sa cubicle. pag nakatapos ako ng type at print, derecho naman ako sa recto para ibenta ang mga dating libro ng kapatid ko nung high school. mga anim hanggang walong libre ang mabebenta ko sa halagang Php80.00..swerte ng kung umabot ng isang daan. yun naman ang gagamitin kong pamasahe pauwing malabon pag walang iuutos sa akin ang aming chairman. nagtatrabho din ako bilang utusan ng Literature department. sa loob ng apat na taon

ngayon naisip ko, napapagod na ako. sabi nga ni bes ko, sinagad ko raw beyond maximum tolerance level ang katawan ko kaya sinisingil na nya ako ngayon. sabi rin nya, palagi na lang daw akong nagaalala para sa ibang tao, pinababayaan ko raw ang sarili ko.  hindi ko na tuloy nagagawa ang mga bagay ng nagpapasaya sa akin. kaya ako napapagod.

sabi ko, aba! parang tama nga siya..bakit parang walang umaalala sa akin?

Nung 2009, nakatanggap pa ako ng ilang regalo nung birthday ko. pero nung nakaraang buwan lang, wala na talagang nagregalo sa akin. may mga bumati, kahit hindi ko naman kilala. nakakatuwa naman, yun lang, makapal lang siguro ang mukha ko sa paghahanap ng may nakahandang isang maliit na kahon, nababalot sa makulay na papel, may nakadikit na maliit na bday card. tapos pupunitin ko ang magarang wrapper nito at tadah! natitiyak kong mapapaluha ako sa saya, kung anuman ang nasa loob ng misteryosong kahon na yun dahil sa wakas, may nakaisip na handugan ako ng isang bagay na nagsasabing espesyal pala ako sa buhay ng taong ito. yung isang partikular na taong may kaugnayan sa buhay mo. hindi yung mga katakot takot na regalong bigay ng mga katrabho mo dahil sa nabunot ka nya sa kriskringle.

gusto ko sana ng isang tangkay na rosas.

dati may nagbigay sa akin ng napakalaki at napakagarbong bouquet, isang dosenang pula at puting rosas. para akong si ms. universe. kulang na lang ng sash at korona sa sobrang laki ng bouquet na yun. kasama nito ay isang set ng alahas, may unan na korteng buto at nakaburda ang i love you at saka stuffedtoy. napangiti ako sa nakakasilaw na mga bagay sa paligid. pakiramdam ko, isa akong mamahaling hiyas. pero paglipas ng saglit na yun, alam kong wala lang itong saysay. dahil binigay lamang ang mga ito sa akin sa kagustuhang magpasikat ng taong ito sa madla. kapagdaka’y ako rin pala ang magbabayad ng lahat ng ito, dahil naka charge ito sa aming credit card.

Hindi ko kailangan ng kumikinang na bato, o osong singlaki ng tao. ang gusto ko, ay maramdamang espesyal ako sa buhay ng mga taong pinahahalagahan ko. magawa ang mga simpleng bagay tulad ng sisig at john lloyd movies para masabi kong masaya na ako. kung sasabihin nyong kababawan man ito, pasintabi na lang po sa inyo. malamang ay hindi ka rin kabilang sa lipon ng mga taong may pakialam ako.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s